“Kontrolado na ang inflation, pero may pwede pang gawin para maisaayos ito.”
Ito ang reaksyon ng House Committee on Ways and Means Chairman Congressman Joey Salceda sa naitalang 3.7% na Inflation rate sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Salceda, gaya ng dati ang presyo ng bigas pa rin ang isyu bagamat may pagbabago na kumpara sa 3.9% na naitalaga noong Mayo.
Umaasa ang ekonomistang kongresista na sa ibinabang taripa sa mga imported rice at pinapalakas na agricultural production ay makikita na ang pagbabago sa susunod na buwan.
Maglalaho na rin ang epekto ng nagdaang El Niño sa presyo ng langis, tubig at kuryente ngayong nagsimula na ang tag-ulan.
Inaasahan din ni Salceda na magdadahan-dahan pa rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa paggalaw ng interes rates, hanggang sa mag-stabilize ang inflation sa 2 to 3% range.