Pag-aaralan ng legal team ni Sen. Nancy Binay kung kinakailangan pa silang maghain ng ethics complaint laban kay Sen. Alan Peter Cayetano matapos ang nangyaring sagutan nila sa pagdinig kaugnay sa itinatayong bagong Senate Building sa Taguig City.
May kinalaman ito sa naging pahayag ni Cayetano na ‘Nabubu-ang ka na ‘day’ matapos magpaalam si Binay sa pagdinig.
Sinabi ni Binay na hindi na niya narinig ang linyang iyon ni Cayetano at kung narinig sana niya ay bumalik siya at sinabing ‘Bongga ka Dong’.
Naging mainit ang pagtatalo ng dalawang senador partikular sa total cost ng proyekto na ayon kay Cayetano ay aabot sa P23 bilyon habang iginigiit ni Binay ay nasa P21 bilyon lamang ito dahil hindi dapat isama ang presyo ng pagkakabili ng lupa.
Mistula ring tinawag na Marites ni Cayetano si Binay dahil umano sa pag-iikot nito at pagsasabing mali-mali ang datos ng bagong chairman ng Senate Committee on Accounts.
Sinabihan din ni Cayetano si Binay na ginugulo ang pagdinig kasabay ng akusasyon na nagbibigay ng advance questions sa mga radio interviews nito para mabuhay ang political issue sa review sa New Senate Building.