Nahihirapan pa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makapili ng susunod na kalihim ng Department of Education.
Sa ambush interview sa Makati City, inihayag ng Pangulo na marami na siyang tiningnang curriculum vitae (CV’s), at marami umanong magagaling.
Nilinaw naman ni Marcos na walang shortlist ng mga pinagpipiliang susunod na DepEd secretary.
Kaugnay dito, kailangan umanong makasigurong tama ang kanyang mapipili kaya’t binibigyan pa niya ito ng panahon.
Sinabi ng Pangulo na kailangang alamin kung ano ang talagang kina-kailangan ng DepEd, sa harap ng mga panawagan na ang susunod na DepEd sec. ay dapat isang educator, habang may mga nagsasabi rin na ito ay dapat isang administrator, o historical professor.
Iginiit ni Marcos na mahirap ang trabaho ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon kaya’t nagpapasalamat ito sa nag-resign na DepEd sec. na si Vice President Sara Duterte, para sa iginugol niyang trabaho sa kagawaran.