Tatlong senador na ang naniniwalang good choice si Sen. Sonny Angara bilang Department of Education secretary kapalit ng nag-resign na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero excellent choice para sa posisyon si Angara.
Inamin din ng senate leader na ilang malapit sa Pangulo ang nagtanong sa kanya kung sino ang karapat-dapat na maging education secretary at ang tanging naisip at nabanggit niya ay si Angara.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na good choice bilang kalihim ng DepEd si Angara at umaasa siyang maikukunsidera ang mambabatas.
Subalit hindi naman siya tiyak kung tatanggapin ni Angara ang posisyon na magiging malaking hamon sa kanya.
Binigyang-diin naman ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education na nakakatrabaho rin niya sa 2nd Congressional Commission on Education o EDCOM 2 si Angara kaya’t alam niyang good choice ito sa posisyong iniwan ni VP Sara.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na alam na ni Angara ang problema sa education sector at alam nito ang solusyon dahil ito ay kanyang adbokasiya.