Kinundina ng dalawampu’t tatlong mga bansa sa pangunguna ng mga mambabatas mula sa European Union (EU) ang aggression at provocation ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Cagayan de Oro City Second District Representative Rufus Rodriguez, ang online declaration ay pirmado ng 33 parliamentarians mula sa EU at 23 mga bansa kabilang ang Pilipinas, United Kingdom, Australia, Japan, New Zealand, Germany, Switzerland, Italy, Netherlands, France, Norway, at Sweden.
Ayon sa collective statement ng mga parliamentarians, ang Inter-Parliamentary Alliance on China o IPAC ay nagkakaisa sa pagkundena sa agresibo at mapanuksong aktibidad ng China Coast Guard (CCG) sa Spratly Islands.
Ang ‘No-trespass Rule’ ng China sa mga inaankin nitong teritoryo kabilang ang Ayungin Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay wala umanong pinagbabasehang batas, bagkus salungat sa 2016 Arbitration Ruling na ang Ayungin Shoal ay pasok sa EEZ ng Pilipinas.
Pinaalalahanan pa ng mga parliamentarians ang China na walang ‘international body’ na kumikilala sa kanilang Nine-dash line.
Si Rodriguez ang isa sa dalawang Philippine legislators na lumagda sa deklarasyon, kasama si Congressman Adrian Michael Amatong ng Zambuanga del Norte.