dzme1530.ph

Panukala para sa free college entrance examination, ganap nang batas

Kinumpirma ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na ganap nang batas ang panukalang kaniyang isinulong para sa libreng college entrance examination sa mga pribadong Higher Educational Institutions ng mga kuwalipikadong estudyante.

Nag-lapse into law ang Republic Act No. 12006 o ‘Free College Entrance Examination Act’ na naglalayong bigyan ng oportunidad na makapag-exam sa mga pribadong HEIs ang mga kapus-palad subalit matatalinong magaaral.

Sakop ng batas na pangunahing iniakda ni Revilla ang lahat ng private HEIs na minamandatong huwag maningil ng bayarin sa entrance exam sa mga kwalipikadong estudyante.

Kabilang sa kwalipikasyon ay dapat natural-born Filipino citizen; mula sa top 10% ng graduating class; mula sa pamilya na kahit pagsama-samahin ang kita ay hindi lalagpas sa poverty threshold o walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan; mag-a-apply sa college entrance examination ng pribadong HEI sa bansa; at tiyaking kumpleto ang iba pang requirements ng mga pribadong HEI.

Iginiit ni Revilla na sa pamamagitan nito ay hindi na magiging hadlang ang kakapusan para unti-unting maabot ng mga estudyante ang mga pangarap sa pamamagitan ng edukasyon.

About The Author