Suportado ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang pagsisikap ng Commission on Elections na makapagsagawa na ng pilot test internet voting para sa mga Overseas Filipino Workers sa 2025 mid-term polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ito ang unang pagkakataon na ipatutupad nila ang internet-based voting.
Kasabay nito, umapela ang senador sa mga OFW na magparehistro na para sa overseas absentee voting bago matapos ang deadline sa September 30.
Hinimok din ng senador ang poll body na palawakin ang kanilang information dissemination campaign upang maipaalam at maturuan ang mga overseas Filipinos ng mga dapat nilang gawin sa online voting.
Binigyang-diin ni Tolentino na sa mahabang panahon, maraming mga Pilipino ang napagkakaitan ng kanilang karapatang bumoto kabilang na ang mga Pinoy seafarers na hindi makaboto dahil nasa gitna ng dagat.
Aminado rin naman si Garcia na napakahirap din ng voting by mail dahil ilang mga balota rin ang naliligaw o kaya naman ay sadyang hindi natatanggap ng mga botante kaya’t hindi maibalik sa poll body.