Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Trabaho Para sa Bayan Plan ang isa sa mga magiging susi sa paglikha ng tatlong milyong mga trabaho hanggang sa 2028.
Sa kanyang talumpati sa National Employment Summit, sinabi ng Pangulo na layunin ng Labor Plan na makalikha hindi lamang ng mga simple kundi dekalidad na trabaho na magtitiyak sa kapakanan, empowerment, competitiveness, at security ng mga manggagawa sa lahat ng sektor.
Kaugnay dito, nagdodoble-kayod na umano ang pamahalaan upang tugunan ang mga problema sa labor sector tulad ng job-skills mismatch, underemployment, at unemployment.
Ito ay sa pamamagitan ng reporma sa Basic Education Curriculum, paglalagay ng Technical and Vocational Education and Training sa Senior High School, at pangangasiwa sa Employment activities.
Kasama rin ang up-skilling at reskilling upang maiakma ang kakayanan ng mga manggagawa sa pangangailangan ng local at international labor markets, makabagong teknolohiya, digital economy, at maging sa Artificial Intelligence (AI).