dzme1530.ph

Mga nagsulong ng mga maling akusasyon kay dating Sen. de Lima, dapat papanagutin 

Dapat papanagutin sa batas ang mga taong nagsulong ng mga maling akusasyon laban kay dating Senador Leila de Lima.

Ito ang iginiit ni Sen. Risa Hontiveros matapos ang dismissal ng korte sa huling kaso ng droga na inihain laban sa dating mambabatas.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dahil sa mga maling akusasyon, hindi lamang ang reputasyon ni de Lima ang nakompromiso kundi maging ang integridad ng legal system ng bansa.

Kaya naman nananawagan ang senador sa mga awtoridad na agad papanagutin ang mga taong nagsabwatan upang isulong ang mga alegasyon laban kay de Lima.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Hontiveros, bukas naman sa publiko na paulit-ulit ang naging akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay de Lima na sangkot sa operasyon ng droga

Dahil dito, naghain ng tatlong magkakahiwalay na kaso ng droga si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II hinggil sa partisipasyon umano ng dating senador sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Para kay Hontiveros ang pagbasura ng korte sa huling kaso ni de Lima ay patunay na ang hustisya ay nakabase sa katotohanan at ebidensya at hindi sa political motivations.

About The Author