dzme1530.ph

Pagdinig sa pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal, bubusisiin ng Senado

Aarangkada ngayong umaga ang investigation in aid of legislation kaugnay sa pinakahuling harassment na isinagawa ng China Coast Guard laban sa tropa ng pamahalaan sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Senate Committee on Foreign Relations chiarman Imee Marcos na siyang mangunguna sa pagdinig, marami silang katanungan sa isyu dahil nagkaroon na anya ng kalituhan ang mga pahayag ng bawat opisyal ng gobyerno.

Tinukoy ni Marcos ang mga naunang pahayag na masyadong agresibo ang pag-atake ng China na kinalaunan ay itinuring namang misunderstanding lamang ang insidente.

Sinabi ni Marcos na magiging pokus ng pagdinig ang security arrangements at magkaroon ng kaliwanagan sa tunay na nangyari noonng June 17 sa Ayungin Shoal at maiwasan itong maulit.

Kasabay ding diringgin ng kumite ang sinasabing secret campaign ng US military laban sa Sinovac vaccine ng China.

Aminado si Marcos na nahihirapan silang makapag-imbita ng resource persons para sa isasagawa nilang investigation in aid of legislation.

Sinabi ni Marcos na bagama’t lumabas na sa mga balita ang imporasyon kaugnay sa Pentagon black propaganda na natuklasan ng Reuters tungkol sa mga Chinese vaccines katulad ng Sinovac ay ayaw namang humarap sa pagdinig ang mga source nito.

Maging ang Department of Health anya ay mahirap imbitahin gayung kailangan malaman ang katotohanan sa likod nito upang hindi na maulit at hindi madamay ang kalusugan ng mga Pilipino.

About The Author