Limang Chinese traders ang nahaharap na maaresto dahil sa hindi pagsipot sa imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs.
Ayon kay Panel Chairman Congressman Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, kabilang sa ipaaaresto ay ang suspected drug lord na si Willie Ong na sangkot sa shipment ng 530 kilos ng shabu na nagkakahala ng P3.6-B na natuklasan sa Mexico, Pampanga.
Sinabi ni Barbers na tama na ang pagbibigay nila ng palugit para siputin ng mga Chinese nationals ang hearing, kaya ipaaaresto na nila ang mga naisyuhan na ng subpoena habang ang wala pa ay asahan na rin ito.
Si Willie Ong na ang Chinese name ay Cai Qiming ay lumalabas na co-owner ng Empire 999 Realty Corporation ang nagmamay-ari sa gusali ng illegal POGO hub sa Porac, Pampanga.
Bukod kay Ong pinaghahanap na rin ng komite sina Aedy T. Yang, Elaine Chua, Michelle S. Sy, at Jack T. Yang.
Lumabas din sa official records ng Land Registration Authority (LRA) na ang Empire 999 ay nakabili o nagmamay-ari ng 320 titled prime lots na bilyon ang halaga sa iba’t ibang lugar sa bansa.