Inaprubahan na ng Metro Manila Council, in principle, ang resolusyon na humihikayat sa Local Government Units sa Metro Manila na magpasa ng mga ordinansa na magre-regulate at magmo-monitor sa mga sala-salabat na kable upang maiwasan ang posibleng mga panganib.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na binigyang diin niya sa kanilang pulong kahapon ang insidente ng pagbagsak ng poste dahil sa bigat ng “spaghetti wirings” na nagdulot ng pagsisikip ng trapiko.
Ilang lokalidad naman ang mayroon nang umiiral na mga ordinansa sa pagsasaayos ng mga sala-salabat na kable, gaya sa San Juan City at Valenzuela City.
Nagkasundo rin ang mga opisyal na dumalo sa pulong na magsagawa muna ng information drive bago sinupin ang mga nakalaylay na mga wire, upang maabisuhan ang mga residente sa posibleng service interruptions.