Muling kinalampag ni Senador Grace Poe ang National Telecommunications Commission (NTC) sa patuloy na kabiguang masawata ang sangkaterbang Text spams at scams sa kabila ng implementasyon ng Sim Registration Law.
Sinabi ni Poe na layunin ng batas na pag-isahin ang aksyon ng lahat ng ahensya ng gobyerno at iba’t iba pang sektor laban sa mga text scams.
Subalit ngayon ay tila nagiging bahagi ng ‘new normal’ ang text spams at scams kaya’t hind aniya maiiwasang maitanong kung ano na ang ginawa ng NTC.
Pinuna pa ng senador ang kawalan na ng mga Text scam advisories mula sa NTC at mga Telecommunications company
Ipinaalala pa ng mambabatas na mandato ng mga Telcos na magkaroon ng user-friendly na proseso sa pagrereport ng mga spams at scams subalit sa dami aniya ng dapat i-click at i-submit ay hindi na ninanais ng mga user na magreport.
Muling iginiit ni Poe na dapat mas maging pro-active ang NTC sa mga scammers at pangunahan ang kampanya laban sa mga ito at hindi hahayaang magpatuloy na magparalisa sa sistema.