Kinontra ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang naunang pahayag ng China na binangga ng barko ng Pilipinas ang Chinese vessel malapit sa Ayungin Shoal.
Sinabi ng Philippine Task Force na ang mga barko ng China ang gumawa ng dangerous maneuvers, gaya ng “ramming and towing” habang nagsasagawa ang Filipino boats ng routine rotation and resupply mission, kahapon.
Kasabay nito ay kinondena ng NTF-WPS ang iligal, agresibo, at mapangahas na aksyon ng People’s Liberation Army-Navy, China Coast Guard, at Chinese Maritime Militia vessels.
Idinagdag ng Task Force na inilagay ng China sa alanganin ang buhay ng mga Pilipinong nakasakay sa mga barko na malinaw na paglabag sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea, at 2016 Arbitral Award.