Pinagkalooban nina House Speaker Ferdinand “Martin” Romualdez at Tingog Partylist Representative Yedda Marie Romualdez ng Financial Assistance ang dalawampu’t-isang mga Pinoy crew member na nailigtas mula sa barkong MV Tutor na biktima ng missile at drone attack ng Houthi rebels sa Red Sea.
Kabuuhang 3.15 milyong piso o tig-150,000 pesos bawat isa ang personal na ibinigay ni Congressman Jude Acidre matapos dumating ang 21 tripulante sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport.
Sa mensahe ni Romualdez, sila aniya ay masaya dahil ligtas na naka-uwi ng bansa ang grupo at ang tulong ay isa lamang token sa ipinakita nilang katatagan sa harap ng pagsubok.
Ayon din kay Congresswoman Yedda, ang P3.15-M cash assistance ay galing sa Personal Calamity Funds nilang mag-asawa at layunin nitong makatulong upang makapagsimula muli ang pamilya ng mga biktima.
Tiniyak din ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada, Jr. na may inihahanda pa ang Speaker’s Office na karagdagang Government assistance gaya ng Sustainable Livelihood Program mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Integrated Livelihood and Emergency Employment Program mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).