Ibinabala ng isang political analyst sa China na ang international community ang kanilang babanggain, sakaling ituloy nito ang planong pag-aresto sa trespassers sa South China Sea.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Local Government Development Institute Director Dr. Froilan Calilung na ang magiging hakbang ng China ay lilikha ng malawakang pag-kondena mula sa iba’t ibang bansa, dahil ang pinatutungkulan nito sa polisiya ay ang lahat ng dayuhan at hindi lamang Pilipinas.
Wala rin umanong legal na batayan ang polisiya dahil ito ay labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Ruling.
Kaugnay dito, sinabi ni Calilung na maaari itong magkaroon ng epekto sa ekonomiya ng China dahil posible silang mapatawan ng economic sanctions.
Iginiit naman ng analyst na kailangang bantayan ang magiging epekto ng polisiya sa mga mangingisda o kung sila ba ay matatatakot na pumalaot sa traditional fishing grounds sa loob ng exclusive economic zone, at dapat ding manatiling matatag ang Pilipinas sa pagtindig laban sa mga ilegal na aksyon ng China kaakibat ng pagkakaroon ng contigency mechanism o solidong plano.