Hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) na epektibong ipatupad ang mga probisyon ng Sim Registration Law.
Naniniwala ang senador na nagiging dahilan ang hindi maayos na pagpapatupad ng batas sa iba’t ibang klase ng panloloko at scamming.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang pagkaka-diskubre ng bulto-bultong mga sim card mula sa iba’t ibang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sinalakay ng mga awtoridad, kamakailan.
Ginagamit umano ito sa pandaraya, katulad ng love scam, cryptocurrency scam, at iba pang mga investment scam.
Layon aniya ng Sim Registration Law na bigyang pananagutan ang mga gumagamit ng mga sim card.
Dahil dito, dapat aniyang siguruhin ng NTC na maayos na naipatutupad ng telco operators ang batas.