Ipinaliwanag na ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang dahilan ng nag-viral na pagkuha at pag-inom niya sa champagne glass ni Senate President Chiz Escudero, sa ginanap na Vin D’honneur sa Malacañang noong Independence Day.
Sa statement na binasa ng brodkaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna sa kanyang radio show, sinabi ni ginang Marcos na matapos niyang isa-isang batiin ang 82 ambassadors at iba pang kinatawan ng international organizations sa loob ng mahigit isang oras, pumasok sila ng asawang si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ceremonial hall at inalalayan sila ng ushers patungo sa Senate President at kay House Speaker Martin Romualdez.
Nang makita umano siya ni Escudero ay biniro siya nito at sinabing bilib siya rito dahil may lakas pa siya matapos ang pagtindig at pag-ngiti nang mahigit isang oras, at sinabi rin nito ang mga katagang “I’m sure you could use a drink.”.
Tumawa umano ang unang ginang at sabay kinuha ang champagne class ni Escudero, at nagbiro rin ito at sinabing hindi malamig ang champagne.
Kasunod nito ay ibinalik niya ang champagne glass sa senate leader at nagkaroon pa sila ng tawanan matapos ito, at ang buong pangyayari umano ay tumagal ng sampung segundo.
Ibinahagi naman ni Ginang Marcos na kilala at magkaibigan na sila ni Escudero noong pang panahong nag-aaral siya ng law, kaya’t nasa sa kanila na lamang umano kung napagmukha niya itong waiter o kung umakto lamang ito bilang isang gentleman.