dzme1530.ph

Resulta ng review sa proyekto sa pagtatayo ng senate building, target ilatag sa plenaryo sa pagbabalik sesyon sa Hulyo

Target ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maiharap sa mga senador sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo ang resulta ng ginagawang review sa gastusin sa ipinatatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Ito ay bahagi ng pagtiyak ng senate leader na nais nilang maging mabilis ang review upang hindi maantala ang proyekto.

Sinagot din ni Escudero ang pahayag ng ilang kongresista na dapat mabusisi ang paggastos ng Senado sa gusali upang matiyak na walang masasayang na sentimo sa pera ng bayan.

Iginiit ng senate leader na ito ang pinakalayunin nila kaya’t pinarereview ang proyekto kasabay ng paggiit na kung papipiliin siya institusyon o gusali, palagi niyang pipiliin ang institusyon ng Senado.

Muling binigyang-diin ni Escudero na layon ng review na matukoy kung tama ang gastusin at kung kakayanin pang maibaba ito.

Una nang sinabi ng Senate President na malabong makalipat ngayong taon o kahit sa 2025 ang Senado sa bago nitong gusali dahil marami pang dapat ayusin kabilang na ang pagpapalawak ng parking spaces upang ma-accommodate ang lahat ng may sasakyang empleyado at bisita.

About The Author