Ipabubusisi ni Sen. Robin Padilla ang umanoy overkilled na operasyon na ginawa ng PNP sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City noong Hunyo 10.
Sinabi ni Padilla na maghahain siya ng resolusyon upang malaman kung may naganap ba na paglabag sa karapatang pantao o paggamit ng unnecessary and excessive force sa operasyon.
Ipinaliwanag ng senador na mandato pa rin ng PNP na ipatupad ang pagbibigay proteksyon sa karapatang pantao habang isinasagawa ang operasyon at respetuhin ang rule of law.
Binigyang-diin ni Padilla na alinsunod sa Art. II Sec. 4 ng 1987 Constitution na pangunahing mandato ng gobyerno ay pagsilbihan at proteksyonan ang taumbayan, habang sa Art. II Sec. 11 ng Konstitusyon ay ginagarantiyahan ang respeto sa karapatang pantao ng mamamayan.
Ipinaalala pa ng senador na may Human Rights-Based Policing policy ang PNP, at iginiit ng guidebook nito ang kanilang obligasyon na irespeto ang karapatang pantao.
Sa impormasyon ng mambabatas nang pumasok sa KOJC compound ang mga tauhan ng Special Action Force (SAF) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nasaktan umano ang ilang misyonaryo nang nagkaroon ng tensyon sa lugar.
Ipinaalala rin ni Padilla na mayroon na ring record ang PNP ng paggamit “excessive force” sa pag-serve warrants at pag-aresto sa may edad na environmental activist sa Pakil, Laguna ng 25 SAF members noong 2022; at ang operasyon na kinasasangkutan ng 18 CIDG personnel at anim na Regional Maritime Unit member na nauwi sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa noong 2016.