Bago sitahin ang Senado kaugnay sa itinatayong bagong Senate Building, dapat munang aralin ng Kamara ang pagtaas ng kanilang budget sa P27 billion mula sa P15 billion.
Ito ang naging bwelta ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa banat sa Senado ng tinatawag na “Young Guns” ng Kamara na nagsabing dapat busisiin ang pagtriple ng pondo para sa bagong Senate Building upang matiyak na epektibong nagagamit ang bawat sentimo.
Binubuo ang Young Guns nina 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega.
Sinabi ni Pimentel na ang pondo ng Kamara sa President’s budget ay P15 billion lamang subalit pagdating sa General Appropriations Act umabot ito sa P27 billion.
Dagdag pa ni Pimentel na mas dapat iukol ng mga kongresista ang kanilang oras at pagod sa pagtiyak na walang masasayang na public fund sa extra fund sa Kamara.
Sa isyu naman sa bagong gusali ng Senado, iginiit ni Pimentel na dapat ipaalam sa mga senador ang tunay na halaga ng proyekto at ang sinasabing variation orders.
Nais malaman ni Pimentel kung ano ang nangyari, hindi ba tama ang ikinasang architectural at engineering plans at kung may kakulangan sa monitoring ng Department of Public Works and Highways.