Aksyon at disiplina ang kailangan upang lubos na makalaya sa kahirapan.
Ito ang mensahe ni Sen. Robin Padilla makaraang pangunahan nito ang flag raising para sa 48 reservist ng Philippine Navy na mga empleyado ng Senado na nagtapos sa kanilang Basic Citizens Military Course kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day sa Senado.
Sa kanyang talumpati sa programa, sinabi ni Padilla na umaasa siyang darating ang oras na magiging malaya na rin ang mga Pilipino sa kahirapan sa pamamagitan ng pag-aksyon at pagtupad sa tunay na public services.
Binigyang-diin ni Pailla na ang kalayaan ay pinaglalaban tulad anya ng pagsabak sa basic citizen military course at maging sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) na ang layunin ay magsilbi sa ating kapwa tao.
Nanawagan naman si Senador Christopher Bong Go sa bawat Pilipino na mag-reflect sa tunay na kahulugan ng kalayaan at unawain ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani para makamit ang ating kalayaan.
Binigyang-diin ni Go na sa modernong panahon, patuloy na sinusubok ang ating kalayaan at dignidad.
Malaking pagsubok pa rin anya ang kahirapan, kakulangan sa trabaho, kakapusan sa kita, hindi pagkakapantay-pantay at karapatan sa malayang pagpapahayag subalit kung bubuhayin ang nasyonalismo sa bawat Pilipino ay atin itong malalampasan.