Pagkakaisa at pagtutulungan, ang naging sentro ng pananalita nina DILG Secretary Benhur Abalos at Caloocan City Mayor Along Malapitan sa pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Monumento, Caloocan City.
Sa pagdiriwang sa Caloocan, hindi pa isinabay sa flag raising ang pag-awit ng Bagong Pilipinas Hymn at maging ang Bagong Pilipinas Pledge kung saan matapos ang pag-awit ng Lupang Hinirang ay agad na itong sinundan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Andres Bonifacio na sinabayan ng 21 gun salute at sinundan ng pagpapatugtog ng mga sirena at pagwawagaywagay ng mga banderitas.
Nanawagan si Abalos sa mga Pilipino na gayahin ang ating mga ninuno na sa kabila ng hirap ng buhay noon ay hindi sumuko at ipinaglaban ang kalayaan ng bansa.
Iginiit ng kalihim na kung ikukumpara sa mga nagdaang panahon na hirap ang komunikasyon at transportasyon, sa panahon natin na buhay na buhay ang makabagong teknolohiya ay mas napapadali ang iba’t ibang gawain.
Kaya naman, iginiit nito na bagama’t maraming pagsubok ngayon sa bansa, kasama na rito ang mga isyu ng katiwalian at hindi pagkapantay-pantay, hindi pa rin dapat sumuko at ipakita ang pagtutulungan at pagkakaisa para sa bayan.
Iginiit naman ni Mayor Malapitan na dapat ipakita ang bayanihan para matiyak ang kaunlaran at huwag hayaang muling makuha ng mga banyaga ang ating kalayaang tinatamasa.