Pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa 2024 National Information and Communications Technology (ICT) Summit ng Dep’t of Information and Communications Technology.
Sa Memorandum Circular no. 54, hinikayat ang lahat ng kagawaran at ahensya ng national gov’t kabilang ang Gov’t-Owned or -Controlled Corp., Gov’t financial institutions, State Universities and Colleges, at maging Local Gov’t Units, na bigyan ng awtorisasyon ang kanilang ICT executives, chief information officers, technical staff, academics, at key personnel na dumalo sa Official Summit kahit pa sa oras ng kanilang trabaho, basta’t hindi ito labis na makaa-apekto sa kanilang operasyon at paghahatid ng serbisyo.
Ang expenses o gastos ng mga dadalo sa Summit ay papayagan alinsunod sa mga polisiya ng Dep’t of Budget and Management, Commission on Audit, at Civil Service Commission.
Ang National ICT Summit ay idaraos ng DICT katuwang ang pribadong sektor sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Ortigas Center Quezon City, at may tema itong “Digital Governance: Navigating the Future.”