Nangako si Sen. Risa Hontiveros na bubusisiin ng Senado ang isyu ng leakage sa operasyon ng mga awtoridad sa POGO hub sa Porac Pampanga.
Ito ay makaraang mahigit 150 na mga dayuhan lamang ang naabutan sa lugar na hinihinalang biktima ng scamming activities, torture, kidnapping at sex-trafficking.
Ayon kay Hontiveros, matapos ang sunod-sunod na pagsalakay ng mga awtoridad sa mga POGO ay nakakatanggap ang kanyang opisina ng mga napakaraming reports ukol sa mga paghahasik ng lagim ng mga POGO sa bansa.
Mas lalo lamang aniya napatunayan ng pinakahuling raid sa Pampanga na kahit nasaan ang mga POGO ay kadikit nito ang krimen.
Iginiit ng senadora na aalamin at titiyakin nila ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng POGO pati na rin ang mga nakikipagsabwatan sa mga sindikatong Chinese.