dzme1530.ph

Impluwensya ng mga POGO, posibleng umabot na sa mga Korte

Nangangamba si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na posibleng umabot na ang galamay ng mga POGO sa ilang Korte sa bansa.

Ito ay makaraan ang leakage na nangyari sa pagsalakay ng mga awtoridad sa POGO sa Porac, Pampanga kung saan mistulang natunugan ng mga dayuhang empleyado ang welfare check na gagawin matapos na makatanggap ng reklamo sa umano’y human-trafficking at prostitution.

Ayon kay Gatchalian, base sa impormasyon na kanyang natanggap, ang Lucky South 99 ay may sitting capacity na mahigit 1,000 agent o 1,000 trabahador sa nasabing POGO subalit mahigit 150 lang ang nahuli ng mga awtoridad at nakaalis na ang marami sa mga foreign nationals bago pa man makarating ang mga law enforcers.

Posible aniyang may nag-tip ng impormasyon sa mga operator ng POGO nang maghain ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng search warrant sa korte kaya tumakas ang mga nagtatrabahong dayuhan.

Dahil dito, naniniwala si Gatchalian na hindi lang sa law enforcement agency may tao ang mga POGO kundi mayroon na rin silang mata at tenga sa judiciary.

About The Author