Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala ring mangyayari at hindi rin mararamdaman ng taumbayan kahit gaano pa kaganda at husay ang mga programa at plano ng national government, kung walang magiging tulong mula sa barangay level.
Sa kanyang talumpati sa oath-taking sa Malacañang ng mga bagong halal na officers ng Liga ng mga Barangay (LnB) at Sangguniang Kabataan National and Island Representatives, ipina-alala ni Marcos ang napakahalagang katungkulan ng mga Brgy. Official, kabilang na ang mga nasa Day Care center, Brgy. Health workers, at volunteers.
Sinabi ng pangulo na walang iba kundi sila ang mas nakakaalam sa sitwasyon sa kanilang mga Brgy., at sila rin ang mas nakakaalam ng solusyon sa mga problema.
Kaugnay dito, tiniyak ng chief executive na pakikinggan ng gobyerno ang boses ng mga lokal na pamahalaan hanggang sa barangay level, at gayundin ang boses ng kabataan para sa kinabukasan ng bansa.