Kinumpirma ni House Speaker Ferdinand “Martin” Romualdez na nagkaroon na sila ng initial meeting ni Senate President “Chiz” Escudero noong Lunes sa Malakanyang.
Nagkasundo umano sila na bago ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa 3rd week ng Hunyo ay muli silang mag-uusap.
Positibo si Romualdez dahil bukas umano ang linya ng kanilang kumunikasyon ni Escudero, habang may hiwalay ding pag-uusap sina Senate Majority Leader Senator Francis “Tol” Tolentino at House Majority Leader “Mannix” Dalipe, Jr.
Sa ngayon hahayaan munang mai-organize ng buo ni Escudero ang Senado bago nila pag-usapan ang common legislative agenda at outline ng priority legislation.
Dagdag pa ni Romualdez, batid niyang alam ni Escudero na lahat ng priority legislative agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa SONA priorities at LEDAC measures ay tapos na sa Kamara kaya ang koordinasyon ay sa bicameral conference committee na lamang para i-reconcile ang magkaibang bersyon.