Aprubado kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros ang ipinataw na preventive suspension ng Ombudsman kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na kaniyang una nang ipinanawagan.
Hanggang anim na buwan ang ipinataw na suspensyon ng Ombudsman kay Mayor Guo matapos na maghain ng kasong Graft ang Department of the Interior and Local Government bunsod ng pagkakasangkot ng Alkalde sa ni-raid na POGO sa Tarlac.
Nararapat lamang aniya ang naturang kautusan at dapat ay noon pa nasuspinde ang Alkalde makaraan ang pagbisita niya sa sinalakay na POGO Hub sa Bayan ng Bamban.
Idinagdag pa ng Senador ang impormasyon na sinubukan pa ni Guo na harangin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa ni-raid na POGO Hub.
Para kay Hontiveros, walang duda na mayroong kinalaman sa POGO si Guo kahit ilang beses pa siyang magsinungaling at walang maalala ay naka-dokumento naman ang koneksyon niya sa POGO.
Umaasa ang Senador na mas mabibigyang-linaw na ang totoong naging papel ni Guo sa POGO at maging sa banta sa seguridad ng bansa sa darating na Executive Session sa gumugulong na imbestigasyon ng Senado.