Ikinagalak ni Sen. Ramon Revilla Jr. ang nakatakdang paglagda ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw na ito sa ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’
Layon ng panukala na bigyang pugay ang labis na pagsisikap at dedikasyon ng mga public school teacher sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang taunang teaching allowance.
Alinsunod sa batas, ang teaching allowance ng public school teachers ay itataas sa P10,000 mula sa P5,000 simula sa School Year 2025-2026.
Iginiit ni Revilla na dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay halos nagmumula na rin sa sariling bulsa ng mga guro ang kanilang mga gamit sa pagtuturo.
Sinabi ng senador na ang pagsasabatas ng panukala ay maituturing na panalo ng mga guro at ng buong sektor ng edukasyon.
Iginiit pa ng senador na isang hakbang pa lamang ito sa marami pang ipapasang panukala upang bigyang-sandata ang mga guro lalo na’t ang kanilang papel na ginagampanan sa buhay ng ating mga kabataan ay hindi matatawaran.