Tiniyak ng Philippine Navy sa mga Pilipinong mangingisda na poprotektahan sila ng pamahalaan, kasunod ng unilateral fishing ban ng China sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Pinawi ni Philippine Navy Spokesperson Commodore Roy Vincent Trinidad ang takot ng mga Pinoy sa pagsasabing ipagpatuloy lamang nila ang pangingisda dahil nasa likod nila ang buong AFP at ang gobyerno.
Ipinatupad ng China ang fishing ban sa pinagtatalunang teritoryo simula May 1 at magtatagal hanggang sa Sept. 16, isang linggo matapos nitong ianunsyo na aarestuhin ang mga dayuhan na magti-trespass sa mga lugar na kanilang inaangkin sa South China Sea.
Gayunman, sinabi ng Philippine Navy na una nang nagdeklara ang Beijing ng annual fishing ban sa WPS noong 2021, subalit tila hindi naman nila ito ipinatupad.