Nanawagan si Sen. Alan Peter Cayetano para sa makatarungang kompensasyon para sa mga biktima ng 2017 Marawi siege upang maibalik ang normal nilang pamumuhay.
Ginawa ng senador ang panawagan matapos ang pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee kaugnay sa progreso ng muling pagpapanumbalik ng Marawi City matapos ang digmaan.
Inihalimbawa ni Cayetano ang isang bahay na nawasak noong Marawi siege na nagkakahalaga ng P5 milyon, dapat tumanggap ang may-ari nito ng P15 milyong kompensasyon.
Sinabi naman ni Atty. Maisarah Damdamun-Latiph, Chairperson ng Marawi Compensation Board na habang nais nilang mapabilis at gawing makatarungan ang pagbibigay kompensasyon sa mga biktima, limitado ng batas ang kapangyarihan nito.
Pero ayon kay Cayetano, bagaman maaaring hindi sapat ang batas sa kasalukuyan, isinasaad naman ng konstitusyon ang pangangailangan ng makatarungang kompensasyon sa pagkuha ng ari-arian.
Iminungkahi ng senador na bumuo ng joint resolution na magtatakda ng formula para sa fair market value para sa mga biktima upang matulungan ng Kongreso ang mga pamilyang nawalan ng tirahan na agarang makabalik sa kanilang mga tahanan.