Ang Iron ay isang mahalagang mineral na kailangan ng katawan.
Ito ay kadalasang makikita sa hemoglobin, ang protina na responsable sa pagkakalat ng oxygen mula sa baga patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang kakulangan ng iron sa katawan ay maaring humantong sa Iron deficiency, Anemia.
Dahil sa sakit na ito, hindi nabibigyan ng sapat na supply ng oxygen ang iba’t ibang bahagi ng katawan. At dahil dito, maaring makaranas ng panghihina at madaling pagkapagod. Bukod dito, ang taong kulang sa iron ay maaring makaramdam ng panlalamig ng mga kamay at paa, mabilis na pagtibok ng puso, pagkalagas ng buhok, pagbitak-bitak ng kuko at pagkasugat ng bibig at dila.
Bukod sa relasyon nito sa dugo, mahalaga rin ang iron upang mapanatiling masigla ang buhok, kuko, at balat.
Kabilang naman sa mga pagkaing mayaman sa iron ay lamang dagat, gaya ng tahong, talaba, at tulya; atay; buto ng kalabasa; mani; karneng baka; mga buto, gaya ng garbanzos at soybeans; mga butil, gaya ng bigas, whole wheat at oatmeal; berde at madahong gulay; dark chocolate; at tokwa.