Inaalam pa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang lagay ng 5 Pinoy na sakay ng nadisgrasyang Singapore Airlines flight SQ-321 matapos tamaan ng ‘extreme turbulence’ sa biyahe nitong Martes, Mayo 21.
Ayon sa pahayag ng DMW, direkta nang nakikipagtulungan ang ahensya sa embahada sa Bangkok at sa Ministry of Foreign Affairs ng Singapore, maging sa Singapore Airlines at Suvarnabhumi Airport officials upang alamin ang lagay at sitwasyon ng 5 Pilipinong kasama sa flight SQ-321.
Sakay ng Singapore Airlines flight SQ-321 ang 211 pasahero at 18 crew nito mula Heathrow Airport sa London na papunta sanang Singapore ng biglang tamaan ng ‘extreme turbulence’ sampung oras matapos mag take-off.
Agad namang nag-emergency landing ang eroplano sa Suvarnabhumi Airport sa Bangkok, Thailand.
Naitala namang patay ang isang 73-year old na British passenger habang 30 ang naiulat na sugatan.
Siniguro ni Singapore Airlines CEO Goh Choon Phong na tinutulungan ng airline ang mga sugatan at apektado, nagpaabot din ito ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi sa aksidente.