dzme1530.ph

CA confirmation kay DMW Sec. Hans Leo Cacdac, ipinagpaliban

Nabinbin ang kumpirmasyon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac makaraang ipagliban ng Commission on Appointments (CA) Committee on Labor, Employment, Social Welfare and Migrant Workers ang pagtalakay sa kanyang nominasyon dahil sa kawalan ng sapat na oras.

Kinumpirma mismo ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na marami pang house contingent members ang nais magtanong kay Cacdac subalit hindi na rin available ang mga ito sa huling araw ng sesyon bukas bago ang break ng Kongreso.

Sinabi ni Escudero na kung hindi maihahabol bukas ang panibagong pagdinig sa nominasyon ng opisyal ay maituturing na itong bypassed at kinakailangan siyang muling italaga ng Malakanyang.

Sa pagdinig sinagot ni Cacdac ang mga isyu ng kanyang mga oppossitors kabilang na ang hostage taking sa 17 seafarers ng Houti Rebels na tiniyak niyang kanilang tinutugunan katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Itinanggi rin ng kalihim ang alegasyon sa kanya ng isa sa mga oppossitor na mayroon siyang dummy recruitment agencies kasabay ng pagdiriin na bilang opisyal ng gobyerno napakahalaga para sa kanyang ang integridad.

Sa isyu ng paggamit sa OWWA fund, sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay ipinagmalaki ni Cacdac na dalawang beses silang nakapasa sa audit rating ng Commission on Audit (COA).

Sa kanyang pagharap sa CA, tiniyak ni Cacdac na hindi nawawala sa kanyang puso ang pagseserbisyo sa mga Pinoy workers at tiniyak na ipagpapatuloy ang paglilingkod para sa kanilang kapakanan.

About The Author