Naglabas ang Department of Budget and Management ng P2.880 billion para sa pagbili ng firetrucks at emergency medical equipment.
Inaprubahan ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang special allotment release order para sa pondo na susuporta sa modernisasyon ng firefighting capabilities ng gobyerno.
Sa ilalim nito, bibilhin ang isandaan at limampu’t apat na firetrucks, tatlong collapsed structure at rescue trucks, at isandaan at tatlumpu’t dalawang ambulansya.
Kukunin ang pondo sa walumpung porsyentong shares ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa fire code revenues.
Sinabi ni Pangandaman na alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kailangang palawakin ang kakayanan ng BFP para sa napakahalaga nilang tungkulin sa pagtugon sa mga emergency at sunog.