Inanunsyo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang planong pagtatayo ng halos P3 billion na halaga ng farm-to-market roads sa iba’t ibang lalawigan sa Central Visayas.
Sa kaniyang talumpati sa pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa Agrarian Reform Beneficiaries sa Dumaguete City, inihayag ng pangulo na naka-plano ang konstruksyon ng farm-to-market roads sa Bohol, Cebu, Siquijor, at Negros Oriental.
Sa pamamagitan umano ng mga proyekto, mas mapapadali ang paghahatid ng ani sa mga pamilihan, at lilikha ng mas maraming koneksyon sa pagitan ng mga sakahan, merkado, paaralan, tanggapan ng pamahalaan, at sa mga komunidad.
Inaasahang mapararami rin nito ang mga mamimili dahil mas malayo na ang mararating ng mga produkto.
Sinabi ni Marcos na hindi lamang nito mapalalaki ang kita at mapabubuti ang buhay ng mga magsasaka, kundi mapa-uunlad din nito ang mga komunidad at ang buong sektor ng agrikultura.