dzme1530.ph

Pag-issue ng visa sa Chinese nationals, mahigpit na babantayan

Walang itatakdang mas mahigpit na panuntunan ngunit mas paiigtingin lamang ang pagbabantay sa pag-iisue ng visa sa foreign nationals na papasok sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. nang tanungin kaugnay ng plano ng Department of Foreign Affairs na magtakda ng mas mahigpit na panuntunan sa pag-issue ng tourist visas sa Chinese nationals.

Ayon sa pangulo, pantay-pantay ang panuntunan sa lahat ng dayuhan, ngunit kailangan lamang itong mahigpit na bantayan dahil sa mga insidente ng pag-abuso rito.

Kabilang dito ang pagkuha ng mga iligal at pekeng dokumento, mga scam, human trafficking, pag-abuso sa student visa, at iba pa.

Sinabi pa ni Marcos na matutukoy ang mga nagpapanggap na Pilipino kung sila ay hindi marunong mag-tagalog, o hindi marunong mag-bisaya, at kung wala silang maipakitang birth certificate o peke ang kanilang ipini-prisenta.

Nilinaw ni Marcos na walang ispesyal na panuntunan para sa kahit na sinuman ngunit pagbubutihin lamang ang pagsisiyasat sa mga nag-a-apply ng visa.

About The Author