Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pag-iikot sa Mindanao at sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mahatiran ng tulong at serbisyo ang mamamayan, sa harap ng epekto ng El Niño.
Sa kaniyang talumpati sa pamamahagi ng Presidential Assistance sa Iligan City, inihayag ng pangulo na maaari naman niyang ihabilin na lamang sa ibang kalihim ang pagdadala ng tulong sa mga rehiyon, ngunit kung gagawin niya umano ito ay hindi niya makakasalamuha ang mga tao, hindi niya makikita ang kanilang tunay na kalagayan, at hindi niya maririnig ang kanilang mga hinaing.
Ito umano ang dahilan kaya’t sinusuyod ang buong kapuluan upang mapaabutan ng tulong ang mga napinsala ng matinding tag-init at tagtuyot.
Kaugnay dito, siniguro ng pangulo na walang rehiyon ang makakalimutan sa pagbibigay ng tulong, at walang sektor ang makakaligtaan.
Sinabi pa nito na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, walang manlalamang at walang malalamangan, walang mang-iiwan at walang maiiwan.