Sinang-ayunan ni Sen. Francis Tolentino ang pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na maaaring mapeke ang transcript at madaling gumawa ng audio recordings para pagmukhaing nagkaroon ng kasunduan sa Philippine Military at China ukol sa tinatawag na “new model” sa resupply mission sa Ayungin shoal.
Ito ay nang dipensahan ni Tolentino si AFP- Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos na nadadawit sa isyu.
Iginiit ng senador na walang kapangyarihan si Carlos na pumasok sa ganitong deal sa China.
Tiniyak din ng mambabatas ang integridad ni Carlos na inamin niyang kaibigan niya.
Bukod dito, nagtapos din aniya ang opisyal sa Annapolis, Naval Academy at isa sa mga tinitingalang opisyal ng AFP si Carlos.
Ipinauubaya naman ni Tolentino kay Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada ang pag-imbita kay Carlos sa pagdinig sa usapin kaugnay sa wiretapping.
Nauna rito, sinabi ni Brawner na posibleng pinalalabas na lamang ng China ang tungkol sa “new model” na ito para ilihis ang isyu sa patuloy nilang ginagawang pambubully sa bansa partikular sa West Philippine Sea.