dzme1530.ph

Pagdinig sa mga sirang pasilidad sa NAIA hindi ‘in aid of persecution’

Pinangunahan mismo ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang pagdinig kaugnay sa mga problema sa mga pasilidad ng mga paliparan sa bansa.

Ito ay makarang pamunuan ni Zubiri ang subcommittee ng Senate Committee on Public Services sa pagtalakay sa kanyang resolution na may kinalaman sa mga aberya sa mga paliparan.

Iginiit ni Zubiri na napakahalagang matalakay sa pagdinig ang mga hindi maayos na pasilidad sa mga paliparan na nagsisilbing first impression ng mga turista sa bansa.

Nilinaw ni Zubiri na ang isinasagawa nilang pagdinig ay hindi ‘in aid of persecution’ at sa halip ay para suportahan ang mga paliparan ng bansa.

Isa sa pinuna ni Zubiri ang escalator sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na limang buwan ng sira bukod pa ang mga problema sa air-conditioning unit at mga kalat sa paliparan.

Ipinangako naman ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines na bago matapos ang buwan ng Hunyo ay magagawa na ang escalator.

Ipinaliwanag ni Ines na nang mag-takeover siya noong Enero, natuklasan niyang noon pang 2023 ay idineklara nang unserviceable ang naturang escalator at ibinigay ang kontrata sa isang distributor na nagsabing aabutin ng anim na buwan bago ma-procure ang kinailangang spare parts.

Kinumpirma naman ni Ines na umorder na sila sa ibang supplier ng kinakailangang spare parts para sa escalator na hinihintay na lamang nila ang pagdating.

Bukod sa naturang escalator, sinabi ni Ines na isinasaayos na rin nila ang escalator sa Terminal 2 at maging ang mga elevator. Ipinangako naman ng opisyal na makukumpuni nila ang mga ito bago mai-turnover ang pamamahala sa NAIA sa San Miguel Corporation ngayong Setyembre.

About The Author