Tatanggap na ng mid-year bonus ang mga empleyado ng pamahalaan simula bukas, May 15.
Malugod na inanunsyo ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na ibibigay na sa civil servants ang mid-year bonus, na matagal nilang inintay at makatutulong ito sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kuwalipikadong kawani na nakapag-trabaho na sa gobyerno sa loob ng apat na buwan o higit pa, mula noong July 1 ng nakaraang taon.
Kailangan ay mayroon din silang satisfactory performance rating o mas mataas pa, sa kanilang pinakahuling rating period.
Tatanggap nito ang lahat ng civilian personnel kabilang ang Regular, Casual, at Contractual employees sa Executive, Legislative, at Judicial branches, at Constitutional Commissions, State Universities and Colleges, at Gov’t-Owned or -Controlled Corp..
Kaugnay dito, pina-alalahanan na ang lahat ng ahensya at tanggapan na tiyakin ang napapanahong paglalabas ng mid-year bonus alinsunod sa mga umiiral na panuntunan at regulasyon.