Hiniling ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na itigil na ang pag-iisyu ng “provisional license” sa mga POGO na classified bilang “high risk” dahil sa mga iligal na aktibidad.
Binigyang-diin ng senador na problema lamang ang idinulot ng provisional license kasabay ng paggiit na hindi kasama sa guidelines ng PAGCOR para sa mga POGO ang pagkakaloob ng provisional license.
Iginiit ni Gatchalian na hindi na dapat payagan ng PAGCOR na makapag-operate ang isang POGO na itinuturing na high risk tulad ng Zun Yuan Technology Inc. na nitong Marso lang ay sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Naniniwala ang mambabatas na kung walang naging complainant sa Zun Yuan ay posibleng marami pa ang mabibiktima ng human trafficking, torture, at mga online scams.
Matatandaang si Gatchalian na isa sa mga senador ang pursigidong isulong ang pagbaban ng POGO sa Pilipinas.