Nagtataka si Senate Committee on Agriculture and Food chairperson Cynthia Villar kung bakit ayaw aksyunan ng mga kongresista sa Bicameral Conference ang panukala para sa pag-amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Law.
Sinabi ni Villar na sa halip na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mag-import, bumili at magbenta ng bigas ay mas dapat unahin ang pagpapabigat ng parusa laban sa mga sangkot sa agricultural smuggling na itinuturig na economic sabotage.
Inihayag ng senador na pasado na sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukala at kailangan na lamang matalakay at maaprubahan sa Bicameral Conference Committee bago tuluyang isumite sa Pangulo.
Subalit ilang beses na aniya siyang nagpapatawag ng Bicameral meeting ay hindi tinutugunan ng mga kongresista.
Nanindigan si Villar sa pagkontra sa pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA dahil wala aniya itong tunay na malasakit at pagmamahal sa mga magsasaka.
Katunayan, sa halip aniya na ibenta sa mga opisyal na mamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad ang kanilang buffer stock ng bigas ay ibinenta pa nito sa traders.
Nanindigan si Villar na hindi ang pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA ang solusyon upang ibaba ang presyo ng bigas at sa halip ay ang pagsawata sa mga hoarders, smugglers at mga tiwaling nagsasamantala sa presyuhan ng bigas.