Target tukuyin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Pia Cayetano sa ikakasang imbestigasyon hinggil sa mala-networking umanong sistema ng isang pharmaceutical company kasabwat ang ilang doktor ang naging hakbang ng mga ahensya ng gobyerno upang protektahan ang taumbayan.
Sinabi ni Cayetano na nais nilang alamin kung ano ang ginagawa ng Department of Health, Food and Drugs Administration, Professional Regulation Commission kasama ang Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng gobyerno sa mga ganitong uri ng sumbong.
Iginiit ng senador na dapat matukoy kung natitiyak ng mga ahensya ng gobyerno na epektibo at ligtas ang mga gamot na inirereseta at inilalako sa merkado.
Bukod dito, dapat anyang nababantayan din ang presyo upang hindi nasasamantala ang ating mga kababayan lalo na ang mga maysakit.
Itinakda ni Cayetano ang pagdinig sa isyu sa Miyerkules, Mayo 15 makaraang mailipat sa kanya ang referral matapos ang motu propio hearing ng Senate Committee on Health.