Nangako si Senate Committee on Tourism chairperson Nancy Binay na bibigyan ng dagdag na pondo sa susunod na taon ang Department of Tourism para sa pagsusulong ng food tourism.
Ipinaliwanag ni Binay na malaki ang potensyal ng mga local delicacies at street foods ng Pilipinas lalo na’t kadalasang hanap ng mga turista sa pagbisita sa isang lugar ang pagsubok ng mga lokal na putahe ng pinupuntahan nilang lugar.
Aminado naman si Binay na tila nagiging mas mura pang bumisita sa ibang bansa kung ikukumpara sa lokal na turismo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas dahil sa mahal na presyo ng airfare at accommodations.
Kaya naman maaari aniyang ikunsidera ang pagsasabatas ng pagbibigay ng dagdag na insentibo sa tourism sector.
Iginiit din ng senador ang pangangailangan na isaayos ang mga pasilidad sa mga paliparan upang mas maraming turista ang mahikayat pang bumisita sa ating bansa.