Nais ni Senador Sonny Angara na magkaroon ng dagdag pangangalaga sa mga kababaihang kabataan at maging sa mga indigent women sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng pasador o sanitary napkin at iba pang menstrual products.
Sa kanyang Senate Bill 2658 o’ Free Menstrual Products Act, sinabi ni Angara na ang pagpapalakas sa sa kalusugan ng mga kababaihan ay mahalaga sa Social development ng mga pamilya sa bansa dahil mahalaga ang kanilang papel sa Nation building bilang sila ang nagbibigay ng buhay o nagdadalantao.
Tama lamang aniya na tiyakin ng gobyerno na naproprotektahan ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na suporta lalo na sa kanilang health care.
Binanggit ng senador na sa ating populasyon na malapit ng umabot sa 120 milyon, kabilang dito ang higit sa 34 milyong kabataang babae at kababaihan na nasa ‘Productive age.’
Kapag naging batas, ang Department of Health (DOH) ay makikipag-tulungan sa Department of Education (DepEd) sa pamimigay ng libreng menstrual products sa mga kababaihan na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan.
Aatasan din ang DOH na makipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga Local Government Units sa pamamahagi ng pasador sa mga mahihirap na kababaihan
Titiyakin naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na makakasama sa mga ipamamahagi ang mga locally-made menstrual hygiene products.