Hinamon ni Sen. Imee Marcos na maglabas ng ebidensya ang mga nasa likod ng impormasyon ng umano’y planong pagpapatalsik sa puwesto sa kapatid niyang si Pang. Ferdinand Marcos.
Iginiit ng mambabatas na nakakasuya at lumang tugtugin na ang planong destabilisasyon na kung wala namang mailalabas na ebidensya ay dapat magtrabaho na lamang.
Mas nais ni Sen. Marcos na balikan na lamang ang talakayan sa isyu sa pagkain lalo na sa pagpapababa sa presyo ng bigas na pumapalo na sa ngayon ng hanggang P60 ang kada kilo.
Hindi aniya makatarungan ang napakataas na presyo lalo at hindi pa nakakabawi ang taumbayan sa hirap na dulot ng pandemya at inflation dulot ng mataas na presyo ng petrolyo.
Una rito, ibinunyag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno ang nagpaplano ng destabilisasyon laban kay Pang. Marcos.