dzme1530.ph

Pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor, kwestyonable -Sen Hontiveros

Malinaw para kay Senador Risa Hontiveros na nagsinungaling sa pagdinig ng Senado si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay sa pagkakasangkot nito sa niraid na POGO hub sa kanilang lugar.

Sinabi ni Hontiveros na masyado ring kaduda-duda ang pagkatao ni Guo dahil sa kawalan ng ligal na dokumento.

Iginiit ng senador na maraming pagkakataon na nagsinungaling si Guo sa pagdinig kahapon kaugnay sa human trafficking at Cyber-Fraud operations.

Unang-una aniya rito ang mariing pagtanggi ni Guo na may koneksyon siya sa Hong Sheng Gaming Inc. na ni-raid noong Pebrero 2023 pero ito ay taliwas sa mga dokumento sa munispiyo na siya ang nakalagay na representative ng naturang kumpanya.

Wala rin anyang maipakita na hospital record ng kapanganakan si Guo dahil sa testimonya nito ay pinanganak umano siya sa bahay pero hindi naman maibigay ang address.

Bukod dito, late ring naiparehistro ang live birth ng alkalde sa edad na 17 taong gulang at hindi rin maipakita ng mayora kung ano o sino ang kanyang home-school provider gayong ang claim ni Guo, mula elementary hanggang high-school ay naka home-schooled siya.

Una nang pinabulaanan ni Guo sa mga senador na protector o nagkakanlong siya ng mga POGO at wala aniya siyang kinalaman sa operasyon at mga gawain ng kumpanya.

About The Author