Walang pag-asang maihabol ang pag-apruba ng senado sa pagtatatag ng Department of Water bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo.
Ito ang kinumpirma ni Sen. Grace Poe matapos ang unang pagdinig sa panukala kahapon.
Sinabi ni Poe na hinihintay pa nila ang mga report at mga pag-aaral tungkol dito.
Sa naging pagdinig, kinumpirma ng Water Resources Management Board na may direktiba sa kanila ang pangulo na bilisan ang pagbuo ng isang water authority, anuman ang porma nito.
Nais aniya ni Pang. Marcos na pag-isahin na ang lahat ng gawain ng mga ahensya na may kinalaman sa tubig para maresolba ang mga problemang kinakaharap ng bansa lalo na ang kawalan sa access sa malinis na tubig.
Sa kabila nito, tiniyak ni Poe na maipapasa nila ang Department of Water Bill sa kongresong ito.